Kaya tanggapin ninyo ang isaʼt isa gaya nang pagtanggap ni Cristo sa inyo para mapapurihan ang Dios. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na isinugo ng Dios si Cristo para maglingkod sa mga Judio at para ipakita na ang Dios ay tapat sa pagtupad ng kanyang mga pangako sa kanilang mga ninuno. Sinugo rin si Cristo para ipakita ang awa ng Dios sa mga hindi Judio, nang sa ganoon ay papurihan din nila ang Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Pasasalamatan kita sa piling ng mga hindi Judio, at aawit ako ng mga papuri sa iyo.” At sinabi pa sa Kasulatan, “Kayong mga hindi Judio, makigalak kayo sa mga taong sakop ng Dios.” At sinabi pa, “Kayong lahat na mga hindi Judio, purihin ninyo ang Panginoon. Kayong lahat, purihin siya.”
(Roma 15:7-11)