Ang tinig ng isang sumisigaw: “Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos. Bawat libis ay matataas, at bawat bundok at burol ay mabababa; ang mga baku-bako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman, sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.” Sinasabi ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!” At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?” Lahat ng laman ay damo, at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang. Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, kapag ang hininga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang mga tao ay damo. Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
(ISAIAS 40:3-8)